Sa panahon ng Taglamig, magpabakuna laban sa RSV, COVID-19 at trangkaso
Ni Dr. Michelle Morse
Gumaganap na Komisyoner ng Kagawaran ng Kalusugan ng Lungsod ng New York
Maaaring maging hamon ang manatiling malusog sa taglagas at taglamig.
Dahil sa magkakaibang impormasyon mula sa pederal na pamahalaan ngayong taon, maraming magulang ang nalilito: “Dapat ba na mabakunahan ako o ang aking anak para sa trangkaso, COVID-19, at Syncytial na Virus sa Paghinga (Respiratory Syncytial Virus, RSV)?”
“Anong mga sintomas ang dapat kong bantayan, at paano ito ginagamot?”
Huwag magdalawang isip, ang COVID-19, trangkaso, at RSV ay maaaring humantong sa malubhang sakit at maging sa kamatayan.
Halimbawa, ang panahon ng trangkaso noong nakaraang taon ay nagkaroon ng pinakamataas na bilang ng mga pagkamatay sa mga bata na iniulat (280) sa U.S. sa loob ng 15 taon. Sa mga iyon, 89 porsiyento ang hindi nakatanggap ng bakuna laban sa trangkaso.
Bilang doktor ng Lungsod ng New York, tungkulin kong ibigay sa inyo ang pinakamahusay, pinakabagong impormasyon. Kaya, simulan natin sa mga pangunahing bagay.
Ano ang aasahan sa panahong ito?
Ang tatlo sa mga pinakakaraniwang virus sa taglagas at taglamig ay:
COVID-19,
Trangkaso,
RSV
Ang mga virus na ito ay pangunahin nang kumakalat sa pamamagitan ng mga patak na pumapasok sa hangin kapag umuubo, humihiyaw, o nakikipag-usap ang isang tao na may sakit. Ang mga tao ay nagkakasakit kung ang mga nahawahang patak, mucus, o laway ay pumapasok sa mga mata, ilong, o bibig.
Protektahan ang iyong sarili at ang iyong pamilya
Ang pangunahing hakbang na maaari mong gawin para maprotektahan ang iyong kalusugan sa panahong ito ay ang pagbabakuna. Binabawasan ng mga bakuna ang iyong tsansang magkasakit nang malubha, maospital, at mamatay dahil sa COVID-19, trangkaso, at RSV.
Ang mga bakuna para sa mga virus na ito ay ligtas para sa iyo at sa iyong mga pamilya. Ang magandang balita ay pwede kang mabakunahan para sa trangkaso at COVID-19 nang sabay. Hindi mo kailangan ng reseta. Kung ikaw ay kwalipikado para sa bakuna sa RSV, maaari kang makakuha ng tatlong bakuna nang sabay-sabay.
Ang mga nasa pinakamataas na panganib na magkasakit nang malubha dahil sa mga virus na ito ay mga matatanda, maliliit na bata, at mga taong may partikular na pangunahing medikal na kondisyon, tulad ng malalang sakit sa puso o baga, o diabetes.
Ang lahat ng may edad na 6 buwan at higit pa ay dapat makakuha ng na-update na 2025-2026 COVID-19 na bakuna at na-update na 2025-2026 na bakuna sa trangkaso, kahit na natanggap na nila ang mga bakuna na ito o nagkaroon na ng ganitong mga sakit dati.
Panganib ng RSV sa mga sanggol at matatanda
Ang mga matatanda na 75 taong gulang o higit pa ay dapat na mabakunahan ng bakuna sa
RSV. Ang mga matatanda na edad 60 hanggang 74 ay dapat mabakunahan ng RSV kung mayroon silang mga partikular na medikal na kondisyon na naglalagay sa kanila sa mas mataas na panganib para sa malubhang sakit o nakatira sa isang pasilidad ng pangmatagalang pangangalaga tulad ng nursing home.
Inirerekomenda ang bakuna sa RSV para sa sinumang buntis para maprotektahan ang mga sanggol sa kanilang unang panahon ng RSV. Ang mga sanggol ay maaari ring bigyan ng gamot para maiwasan ang RSV bago o sa kanilang unang panahon ng RSV sa panahon ng taglagas, taglamig, at tagsibol).
Hindi tulad ng mga bakuna laban sa COVID-19 at trangkaso, kasalukuyang hindi inirerekomenda ang muling pagbabakuna ng RSV sa mga taong dati nang nabakunahan nito.
Makipag-ugnayan sa NYC Health + Hospitals’ Virtual ExpressCare sa expresscare.nyc o sa 631-397-2273, kung saan ang mura o libreng pangangalaga ay available 24/7 sa mahigit 200 na wika, anuman ang katayuan sa imigrasyon.



